
Nakadepende ang magiging kapalaran ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kung may natitira pa itong trabahong kailangang tapusin.
Ito ang pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang ambush interview, kasunod ng pagbibitiw ng ilang commissioners ng ICI, dahilan para si retired Justice Andres Reyes Jr. na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon.
Ayon kay Pangulong Marcos, papalapit na sa pagtatapos ang mandato ng ICI dahil halos lahat ng flood control projects na saklaw nito ay naimbestigahan na at may iilan na lamang umanong “loose ends” na kailangang linawin.
Samantala, sinabi ng Pangulo na wala pa siyang desisyon kung magtatalaga pa ng mga bagong commissioners, at nakasalalay ito kung may natitira pang mahahalagang trabahong dapat tapusin ang komite.
Sa sandaling maisumite na aniya ang lahat ng impormasyong nakalap sa Department of Justice at sa Office of the Ombudsman, lilipat na sa mga ahensiyang ito ang sentro ng imbestigasyon.










