Kapalaran ng mga ahensya na tumututok sa COVID-19 response ng pamahalaan, nakadepende sa administrasyong Marcos

Ipinauubaya na ng mga opisyales ng Department of Health o DOH sa administrasyong Marcos ang magiging kapalaran ng mga task force at ibang ahensya na itinatag para sa pandemic response ng pamahalaan kontra sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje na siyang chairperson ng National Vaccination Operations Center o NVOC, nasa kamay na ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga magiging bagong gabinete nito kung mananatili ang NVOC, National Task Force (NTF) against COVID-19 at Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Aniya, handa sila sa magiging utos ng susunod na mga kalihim at cabinet officials kung ire-reorganize ang IATF o kung magkakaroon ng restructuring.


Dagdag pa ni Cabotaje, sa ngayon ay pinaghahandaan umano nila ang pagtu-turnover ng mga dokumento at iba pang pag-aaral para sa susunod na health officials nang sa gayon ay matiyak na magtutuluy-tuloy pa rin ang pandemic response para sa mga Pilipino.

Matatandaan, binuo ang NTF at IATF laban sa COVID-19 noong unang bugso ng pandemya sa bansa para maayos ang mga programa at hakbang para mapabagal ang pagkalat ng naturang virus, habang ang NVOC naman ay itinatag para matutukan ang bakunahan sa bansa.

Facebook Comments