Nasa kamay na ng pribadong sektor ang pagpapahusay ng telecommunication services sa Pilipinas.
Ito ang pahayag ng Malacañang sa gitna ng mga ulat na ang internet speed sa ibang bansa ay mabilis dahil sa mga hakbang ng kanilang gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t mayroong budget ang gobyerno para sa national broadband network, ang polisiya ng bansa ay ipaubaya na ito sa pribadong kumpanya para gumanda ang sebisyo ng telekomunikasyon sa bansa.
Mas mainam aniya na hayaan ang mga pribadong kumpanya na ayusin ang telecom industry ng bansa dahil kaya nilang mag-adapt sa teknolohiya.
Dagdag pa ni Roque, tama lang ang naging hakbang ni Pangulong Duterte na pagbantaan ang mga telco dahil hindi katanggap-tanggap na nangungulelat ang Pilipinas sa ibang bansa sa Asya tulad ng Myanmar at Laos.
Matatandaang binigyan ni Pangulong Duterte ang mga telco hanggang ngayong buwan para paghusayin ang kanilang serbisyo.