Kapalpakan ng mga flood control project ng DPWH sa Sta. Barbara, Pangasinan, ibinunyag

Tinipid umano ang paggawa ng mga flood control project sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan matapos maglitawan ang naging produkto nito makalipas ang sunod-sunod na bagyo.

Sa mga ibinahaging larawan ng opisina ni Sta. Barbara Mayor Carlito Zaplan sa iFM News team, natibag ang mga proyektong isinagawa ng DPWH tulad na lamang sa Leet at Tuliao.

Sa ekslusibong panayam ng iFM News Dagupan kay Zaplan, inilahad nito na mas matibay pa ang flood control projects na pinondohan ng bayan kaysa sa DPWH.

Dahil dito, isusumbong niya ito sa kinauukulan upang mabigyang pansin ang mga umano’y substandard na pagkakagawa.

Nilinaw naman ng alkalde ang isyung ipinupukol sa kanya dahil sa umano’y paggamit niya ng dredger na pagmamay-ari ng munisipyo para sa kanyang personal na pakinabang.

Aniya, ito’y pamumulitika kaya’t hiling nito sa publiko na huwag paniwalaan ang mga maling impormasyon.

Facebook Comments