Pinaalalahanan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Commission on Elections o Comelec na mayroong limitasyon ang kapangyarihan nito na magpabaklas ng campaign materials tulad ng posters at signages na mga kandidato sa eleksyon.
Ayon kay Drilon, kahit lagpas sa sukat na itinakda ng batas ay hindi maaring basta alisin ng Comelec ang campaign materials na nasa loob ng private property katulad ng bahay at sasakyan kapag walang due process at walang pahintulot ng may-ari.
Tinukoy ni Drilon ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Bacolod versus Comelec kung saan pinaboran ang diocese o Simbahang Katoliko sa Bacolod na nagsabit ng lagpas sa tamang sukat na tarpaulin ukol sa ilang kandidato.
Ipinaliwanag sa Supreme Court ruling na ang limitasyon sa sukat ng campaign materials ay para lang sa mga kandidato at partido at walang otoridad ang Comelec na kontrolin ang paggamit ng freedom of expression ng mga taga-diocese.
Binanggit din ni Drilon na pasya ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong Adiong versus Comelec kung saan binigyang diin na walang bisa ang anumang regulasyon na makaaapekto sa karapatan sa private property.
Sabi ni Drilon, base sa SC ruling, kapag pumayag ang may-ari ng pribadong lugar at sasakyan sa pagkakabit ng campaign materials, iyon ay bahagi ng kanilang freedom of expression.