Kapangyarihan ng NFA, ipinarerepaso ng Senado

Ipina-re-review ni Senator Kiko Pangilinan sa Senado ang saklaw na tungkulin at kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) at ang isinusulong nitong pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).

Tinukoy ni Pangilinan sa Senate Resolution No.10 na bigo ang RTL na ihatid ang pangako nito sa mga Pilipino na ibaba ang presyo ng pagkain partikular ang presyo ng bigas sa bansa.

Ipinunto pa sa resolusyon na ang RTL ang nagpalimita sa tungkulin ng NFA partikular ang buffer stocking para sa emergency at disaster relief.

Nakasaad sa resolusyon na may panawagan mula sa iba’t ibang sektor kasama ang mga magsasaka at consumer advocates para i-reevaluate ang papel ng NFA at ang posibleng pagbabalik ng mahalagang tungkulin nito para magkaroon ng epektibong pagtaas sa suplay ng bigas at matatag na presyo nito.

Naniniwala ang senador na sa ilalim ng mas pinalakas na NFA, ito ay magreresulta sa mas proactive na price stabilization program; matitiyak ang matatag at abot-kayang suplay ng bigas; magpapataas ng buffer stock na agad makatutugon sa kakulangan ng suplay at emergencies; makapagbibigay ng patas na farmgate prices na malaking tulong para sa mga local farmers; at pangontra laban sa mga pang-aabuso tulad ng hoarding; profiteering; at cartel practices ng mga abusadong traders.

Facebook Comments