Kinuwestyon ni Senador Francis Tolentino ang legal na awtoridad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mag-isyu ng license to operate sa mga operator ng e-sabong o online sabong sa bansa.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa tumataas na bilang ng mga nawawalang sabungero na sangkot sa e-sabong games.
Ayon kay Tolentino, wala sa kahit anong probisyon ng Republic Act No. 9487 o ang Revised PAGCOR Charter na may kapangyarihan itong mag-isyu ng lisensya sa mga operator ng e-sabong.
Dagdag pa ni Tolentino, ang paggawa ng PAGCOR ng regulatory framework nito para sa e-sabong at ang pagbuo ng ahensya ng e-sabong licensing department ay parehas na wala sa tunay na nilalaman ng R.A. 9487.
Paliwanag ni Tolentino, ang mga tinatawag na “games of numbers” kagaya ng sabong ay hindi saklaw ng kapangyarihang ibinigay sa PAGCOR sa ilalim ng RA 9487.