Kapangyarihan ng pangulo na i-adjust ang taripa ng bigas, hindi dapat alisin —Palasyo

Binatikos ni Palace Press Officer Claire Castro ang resolusyon ni Senador Kiko Pangilinan na naglalayong bawiin ang kapangyarihan ng pangulo na mag-adjust ng taripa sa bigas.

Sa press briefing sa New Delhi, India, iginiit ni Castro, na malinaw sa Konstitusyon na maaaring i-delegate sa pangulo ang ganitong kapangyarihan para maprotektahan ang publiko sa biglaang pagtaas ng presyo.

Kung aalisin aniya ang kapangyarihang ito, mahihirapan ang gobyerno na kumilos sa oras ng emergency dahil hindi kakayanin ng Kongreso ang agarang pag-aksyon.

Bukod dito, nanawagan din si Castro na tutukan ang mga mapagsamantalang trader na bumababarat sa presyo ng palay, gayong ₱23 kada kilo ang bili ng National Food Authority o NFA.

Iginiit din ng Palasyo ang pangangailangang repasuhin ang Rice Tariffication Law na umano’y nagpalala sa kawalan ng kontrol ng gobyerno sa presyo ng bigas.

Facebook Comments