Muling pinaalalahanan ng Quezon City Government ang mga dadalo sa Simbang Gabi sa December 16, 2020 na kailangang hindi lalagpas sa 30% ang kapasidad ng simbahan.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, dapat ding maipatupad ang basic health protocols gaya ng social distancing at pagsusuot ng face masks at face shields.
Dagdag pa ng alkalde, mahigpit na ring ipinagbabawal sa lungsod ang traditional caroling at hinimok ang mga pamilya na limitahan ang Christmas at New Year celebrations sa mga magkakasama lamang sa bahay.
Una nang pinaiksi ang curfew hours ng lungsod kung saan simula sa December 16 ay magiging alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-3:00 ng madaling araw na ito para bigyang daan ang tradisyunal na Simbang Gabi.
Paliwanag ng alkalde, ang pagpapaiksi sa curfew hours ay nakapaloob sa binagong panuntunan na kanyang inisyu alinsunod na rin sa pinakahuling anunsyo ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Metro Manila Council (MMC).
Giit ni Mayor Belmonte, nais niyang panatilihing buhay ang diwa ng kapaskuhan kung saan bahagi na nito ang Simbang Gabi.