Kapasidad ng mga tren, target na maitaas sa 50% – DOTr

Itataas sa 50% ang maximum passenger capacity ng mga tren sa Metro Manila simula ngayong araw, October 19.

Ayon kay Transportation Undersecretary For Railways Timothy John Batan, mula sa inisyal na 30% ay dahan-dahang dadagdagan ang bilang ng mga pasaherong pasasakayin sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Lines 1 at 2 (LRT-1; LRT-2) at Philippine National Railways (PNR) hanggang sa maabot ang 50% capacity.

Kasabay ng pagdaragdag ng kapasidad, in-adjust na rin ang social distancing marks para sa mga pasahero.


Muling ipinaalala ng DOT rang pitong kautusan para matiyak ang kalusugan ng bawat commuter sa panahon ng pandemya:

1. Mandatoryong pagsusuot ng face masks at face shields
2. Bawal magsalita at tumanggap ng anumang tawag sa cellphone
3. Bawal Kumain
4. Pagpapanatili ng maayos na bentilasyon sa mga pampublikong sasakyan
5. Madalas na pagsasagawa ng disinfection
6. Mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 ay hindi papayagang sumakay ng pampublikong transportasyon

Sinabi naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati, malaki ang maitutulong nito para sa mga pasahero dahil mas maikli na ang kanilang paghihintay at mas mapapabilis na ang kanilang biyahe.

Pagtitiyak ni Capati na mahigpit na ipapatupad ang health at safety protocols sa loob ng mga istasyon at mga tren.

Para naman kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Reynaldo Berroya, ang pagtataas ng kapasidad ay mangangahulugang mas marami pang pasahero ang mapagsisilbihan patungo sa kanilang mga trabaho sa Metro Manila at kalapit na probinsya kasabay ng unti-unting pagbubukas ng mga negosyo.

Ayon naman kay PNR General Manager Junn Magno na tatalima sila sa direktiba at mananatiling prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero.

Facebook Comments