Mas marami pang pasahero ang papayagang makasakay sa mga tren ng Philippine National Railways (PNR), Metro Rail Transit (MRT) at Manila Light Rail Transit (LRT) simula Huwebes, Nobyembre 4.
Kasabay ito ng pagsisimula ngayong araw ng pagtataas sa 70% seating capacity na papayagan sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon kay Assistant Secretary Eymard Eje, OIC-General Manager ng MRT-3, base sa mga pag-aaral, maliit lamang ang tsansa na magkahawahan ang mga pasahero sa mga train kahit pa taasan ang kapasidad nito.
Dahil dito, ang dating 30 porsyento na pinapayagang dami ng mga pasahero sa MRT sa kada train set o 374 ay magiging hanggang 827 simula ngayong araw.
Sa LRT-1 ang kasalakuyang 337 na pasahero para sa kada set ng first generation ng train ay magiging 745.
Ang mga train set naman ng LRT-2 ay kakayanin nang magsakay ng hanggang 1,140 mula sa dating 488 lamang.
Sa PNR, itataas din sa 667 per train set ang bilang ng kanilang pasahero.
Mahigpit namang ipinaalala ng DOTr sa mga pasahero na sundin ang minimum health protocols sa mga public transportation at bawal pa rin ang paggamit ng cellphone o pag-uusap ng mga pasahero.