Itinuturing na suspek sa magkasunod na pagpapasabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu ang kapatid ng yumaong lider ng Abu Sayyaf.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, isang alyas “Kamah” ang nahagip ng closed-circuit television (CCTV) sa paligid ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral bago nangyari ang mga pagsabog noong Linggo.
Aniya, kilala si alyas Kamah na gumagawa ng bomba sa Sulu at kapatid ng napatay na Abu Sayyaf leader na si Surakah Ingog.
Sabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na pinag-aaralan na kung suicide bomber ba o hindi ang mga suspek.
Paliwanag naman ni Albayalde, batay sa report ng PNP-explosive ordinance disposal na nakakuha sila ng mga sharpnel na tumalsik sa layong 500 feet mula sa pinagsabugan.
Ibig sabihin, hindi bababa sa tig-dalawang kilo ng explosive charge ang ginamit sa bawat bomba.
Aminado naman si Sulu Governor Toto Tan na dati na silang nakakatanggap ng banta na ang target ay ang Our Lady of Mount Carmel Cathedral.