Kapatid ng nasawing Bilibid inmate na ‘di umano’y ‘middleman’ sa pagpatay kay Percy Lapid, humingi ng tulong kay Senator Raffy Tulfo

Dumulog na kay Senator Raffy Tulfo ang kapatid ng nasawi na inmate sa Bilibid na sinasabing ‘middleman’ umano sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Humingi na ng tulong sa senador si alyas “Ate,” ang kapatid ng nasawing Bilibid inmate na si Jun Villamor para sa kanyang proteksyon.

Batay sa salaysay ni “Ate,” nakausap pa niya ang kanyang kapatid magtatanghali ng October 18, ilang oras bago ito nasawi.


Pinangalanan umano ng kanyang kapatid ang tatlong mga preso na dapat paimbestigahan sakaling siya ay mapatay sa kulungan.

Sa kabilang banda ay hindi naman pumayag si Tulfo na isapubliko ang pangalan ng tatlong preso na posibleng may kinalaman sa pagkasawi ng umano’y middleman dahil baka isunod naman ang mga ito na ipapatay.

Sa halip ay agad na nakipag-ugnayan si Tulfo kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla tungkol sa impormasyon para maimbestigahan at masilip na rin ang posibilidad na makatestigo ang mga ito sa kaso.

Ipinaabot din ng senador kay Remulla ang kahilingan ni “Ate” na maiuwi ang bangkay ng kapatid sa probinsya nila sa Leyte na siya namang sinang-ayunan ng kalihim pagkatapos ng isasagawang ikalawang independent autopsy kay Villamor.

Facebook Comments