KAPATID NG SUSPECT SA PATAYAN SA CABAGAN AT STO. TOMAS ISABELA, SUMUKO!

Cauayan City, Isabela – Kusang sumuko ang kapatid ng napatay na suspek sa pagpaslang sa mga opisyal ng barangay sa Cabagan at Sto. Tomas, Isabela.

Sa tulong ng Barangay Officials, sumuko sa PNP Cabagan si Georgie Garro, 65 taong gulang at nakakatandang kapatid ni Antonio Garro. Ang magkapatid na Garro ay akusado sa pagpatay kay Brgy Kagawad Benneth Balisi ng San Antonio, Cabagan noong July taong kasalukuyan. Ang nakakabatang Garro din ang pangunahing suspek sa pagpatay kina Brgy Captain Manuel Ramento at kagawad nito na si May Glenn Padre ng Sto Tomas, Isabela nito lamang Agosto.

Ayon kay P/Col Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, ang PNP mismo ang nakipag ugnayan sa mga Barangay officials na isuko si Garro para maiwasang matulad sa kanyang kapatid.


Kahapon nang mapatay ng pulis Cabagan si Antonio Garro habang nakikipag enkwentro ito sa mga alagad ng batas. Dagdag pa ni PD Rodriguez, nakatakas ang suspek sa una nilang ikinasang raid sa kanya noong September. Dahil dito, pinag aralan ng husto ang kanyang galaw at inilagay sa closed watch.

Nang makumpirmang pagala gala si Antonio Garro sa Sitio Gapa, Brgy San Antonio, Cabagan, Isabela ay muling ikinasa ang pag aresto. Dahil muling nakatunog, umabot sa maghapon ang surveillance. Alas 4 ng hapon ng matiyempuhan ito ngunit sa halip na sumuko ay si Garo ang unang nagpatok ng baril. Nagkaroon ng palitan ng bala hanggang sa mapatay ang suspek.

Ayon pa kay PD Rodriguez, may isa pang kasamahan ang magkapatid na pansamantalang hindi pa pinangalanan at kasalukuyan ngayong tinutugis ng kapulisan.

Facebook Comments