Kapatid ni dating presidential adviser Michael Yang at iba pang indibidwal na sangkot sa Pharmally scandal, posibleng sabit sa POGO sa Bamban

“One big happy Pharmally”

Ito ang naihayag ni Senator Risa Hontiveros matapos ibunyag mula sa kanilang natuklasang impormasyon na ang kapatid ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang na nagngangalang si Hongjiang Yang ay may direktang transaksyon kay suspended Mayor Alice Guo kaugnay sa POGO sa Bamban, Tarlac na Hongsheng Gaming Inc.

Sa inilabas na impormasyon ni Hontiveros mula sa Anti-Money Laundering Council, nagkaroon ng direktang transaksyon ang Baofu company ni Guo sa dalawang tao na sina Yu Zheng Can, na incorporator naman ng Hong Sheng, at kasama sa account nito ang kapatid ni Yang na si Hongjiang Yang.


Maliban dito, incorporator din si Hongjiang ng Full Win Group of Companies kung saan incorporator din si Gerald Cruz na kasosyo rin sa noo’y kontrobersyal na Pharmally Biological Inc. at incorporator din ng POGO na Brickhartz na sinalakay din ng mga otoridad at ang mga papeles ay natagpuan sa ni-raid na POGO sa Bamban.

Dahil sa mga impormasyong ito ay posibleng madiin ang koneksyon ng dating Presidential adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga POGO.

Sa ngayon ay inaaral pa ng Senate Committee on Women na pinamumunuan ni Hontiveros ang posibleng koneksyon ni Yang at ng mga indibidwal na inimbestigahan noon sa kontrobersyal na Pharmally sa iligal na operasyon ng mga POGO sa Bamban, Tarlac.

Facebook Comments