Kapatid ni Michael Yang na inaresto, iniimbestigahan na rin ng DOJ

Kasamang iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang kapatid ni dating Presidential Adviser Michael Yang na naaresto ng mga awtoridad.

Ito ay dahil iniuugnay rin sa operasyon ng mga POGO si Yang Jianxin o Tony Yang batay sa pagdinig ng Quad Committee sa Kamara.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na malaki ang magiging epekto nito sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa POGO.


Kailangan aniyang malaman kung ano ang kinalaman ni Yang sa POGO operations matapos lumutang na may kaugnayan ito sa isang POGO sa Cagayan de Oro.

Si Tony Yang ay inaresto kagabi sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa pangunguna ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Patuloy naman ang ugnayan ng Task Force POGO Closure para sa tuluyang pagsasara ng mga POGO na hanggang katapusan na lamang ng taon.

Kahapon nang sabihin ng DOJ na may hanggang October 15 na lamang ang mga dayuhang POGO workers at pagsapit ng October 16 ay ida-downgrade na ang kanilang 9G o working visa bilang mga tourist visa kung saan may 60 araw na lamang sila bago umalis ng bansa.

Facebook Comments