Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno, gagawing localized; Mga gagawing aktibidad, inilatag ng pamunuan ng Quiapo Church

Tuloy ang pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Itim na Nazareno sa kabila ng pagkansela sa tradisyunal na traslacion.

Sa isang panayam, isa-isang inilatag ni Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Douglas Badong ang mga mungkahi ng simbahan para sa mga aktibidad na gagawin sa kapistahan ng Black Nazerene.

Kabilang rito ang oras-oras na pagsasagawa ng misa sa Enero 9, 2021 mula madaling araw hanggang gabi.


Maglalagay rin sila ng malalaking monitor sa labas ng simbahan para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga tao sa loob at masunod ang social distancing.

Pinag-aaralan din ng pamunuan ng Quiapo Church na maglagay ng monitor kung saan ibababad ang imahen ng Itim na Nazareno.

Pero aniya, simula sa Disyembre ay ilalabas nila ang imahe para hindi man mahawakan ay makita pa rin ito ng mga deboto.

Aagahan din ang pagbabasbas sa mga replica ng Poong Itim na Nazareno na siyang ililibot sa buong Metro Manila at kalapit na probinsya.

Samantala, sa halip na magsagawa ng traslacion, gagawin na lamang itong localized kung saan hihikayatin ang lahat ng mga simbahan sa buong bansa na magsagawa ng misa para sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

Para sa mga lugar na wala o mababa ang banta ng COVID-19, pwedeng magsagawa ng motorcade o prusisyon.

Samantala, sa kanyang misa kanina, pinakiusapan ni Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel ang mga deboto na pairalin ang disiplina para payagan ang kanilang mga kahilingan sa awtoridad.

Facebook Comments