Kapitan ng Barangay Alicaocao, Nagpaliwanag sa Isyu ng Umano’y Hindi Pagbibigay ng “Barangay Certification of Indigency”

Kapitan ng Barangay Alicaocao, Nagpaliwanag sa Isyu ng Umano’y Hindi Pagbibigay ng “Barangay Certification of Indigency”

Cauayan City, Isabela- Nagpaliwanag si Kapitan Theresa Bual ng Barangay Alicaocao, Cauayan City hinggil sa umano’y hindi nito pag-iisyu ng ‘Barangay Certification of Indigency’ sa ilang residente na kanyang nasasakupan.

Ito ay makaraang ipaalam sa iFM news team sa pamamagitan ng text message ang hinaing ng ilang residente sa hindi umano pagbibigay ng sertipikasyon ng barangay.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Kapital Bual, taong 2019 nang aprubahan ang barangay ordinance na ang hindi dadalo sa isasagawang Assembly Meeting at ang hindi pakikiisa sa Clean and Green Program kada buwan ay hudyat ng hindi pagbibigay ng naturang sertipikasyon.

Paliwanag pa ni Bual, ayon umano sa nakatalagang Kagawad ng Barangay sa kada Purok ay hindi umano residente sa lugar ang ilang nanghihingi ng sertipikasyon at minsan ay tumatanggi ang mga ito sa pagbibigay ng anumang impormasyon ng kanilang pagkatao.

Punto pa ng opisyal, kinakailangan munang aprubahan ng barangay kagawad na nakakasakop sa bawat residente ng purok ang paghingi ng sertipikasyon bago umano nya lagdaan.

Aniya, kinokonsidera rin naman ang ilang mga emergency situation para mabigyan kaagad ng Barangay Certification.

Binigyang diin rin nito na hindi umano siya dapat katakutan ng mga residente dahil handa naman aniya siyang making sa anumang suhestiyon o hinaing ng mga kanyang kabarangay.

Facebook Comments