Dismayado ang kapitan ng FB Gem-Ver 1 sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa nangyaring insidente sa Recto Bank kung saan sinalpok ng isang Chinese vessel ang kanilang bangkang pangisda.
Sa kanyang talumpati kagabi, sinabi ni Duterte na “simple maritime incident” ang nangyari sa Recto Bank, West Philippine Sea noong madaling araw ng Hunyo 9.
Hinimok niya rin ang publiko na huwag agad maniniwala sa mga mambabatas na pinipilit papuntahin ang Philippine Navy sa pinangyarihan ng “hit and run.”
“Wag kayong maniwala diyan sa mga politiko, bobo, gusto papuntahin ‘yung Navy… Banggaan lang ng barko ‘yan. Do not make it worse,” sagot ni Duterte.
Ayon kay Junel Insigne, hindi niya mapigilan malungkot dahil pakiramdam niya balewala ang pagbangga sa kanilang barko.
“Paano kung maraming namatay sa amin?”, ani kapitan ng FB Gem-Ver 1.
Dagdag pa nito, gusto niyang marinig mismo kay Duterte na dapat managot ang kapitan ng foreign vessel at paalisin sa Philippine Sea teritory ang mga mangingisdang Intsik. Nangangamba silang maulit ang pangyayari.
Umatras si Insigne pulong niya kay Duterte kahapon dahil traumatized pa rin ito sa insidente.
Samantala, mariin din nitong itinanggi ang pahayag ng Chinese Embassy na kinuyog ang Yuemaobinyu 42212 ng Pilipinong mangingisda sa Recto Bank.
“Hindi po totoo yun kasi wala kaming kasama. Malalayo po yung kasama namin kaya hindi totoo yung sinabi nila na kinuyog sila,” sabi ni Insigne.