Pinagpapaliwanag ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team ang isang kapitan ng barangay sa Tondo, Maynila dahil sa pamimili raw nito ng mga binibigyan ng relief goods
Sa kanyang liham kay Barangay 251 Chairman Reynaldo Angat, sinabi ni MPD Smart Chief Police Major Rosalino Ibay Jr. na may reklamo silang natanggap laban sa kapitan na may listahan lang ng mga bibigyan ng relief goods.
Dapat ipaliwanag ni Angat kung bakit ang 29 katao na nakatira sa 1781 Almeda Street sa Tondo ay ikinunsidera bilang 29 na magkakahiwalay na pamilya.
Ayon kay Ibay, nadiskubre nila na ang nasabing address ay isang pribadong business establishment na pag-aari ni Angat.
Ang mga nasabing pangalan sa listahan ay pawang kamag-anak at empleyado rin daw ng nasabing barangay captain.
Maaari umanong maharap sa paglabag sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees at Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang nasabing kapitan ng barangay.