ISABELA, NEGROS OCCIDENTAL -Sinampahan ng kaso ang isang punong barangay at kawani ng municipal social welfare development dito dahil sa umano’y anomaya sa distribusyon ng social amelioration program cash assistance.
Kinilala ang mga sangkot na opisyal na sina Maria Luz Leal Ferrer, kapitan ng Barangay 8, at si Mae Fajardo, MSWD Officer sa naturang lalawigan.
Ayon kay PRO 6 Regional Director Police BGen. Rene Pamuspusan, inireklamo ang chairman matapos bigyan ng ayuda ang 13-anyos na apo at isang “mayamang” kamag-anak.
Habang pandaraya naman sa listahan ng mga benepisyaryo ng SAP ang sumbong ng ilang residente laban kay Fajardo.
Pero paliwanag ng chairman, ikinonsulta niya sa pamahalaang bayan ang financial aid na natanggap ng kaniyang apo matapos madiskubreng nasa listahan ng SAP beneficiaries ang pangalan ng yumaong ina nito.
Agad daw niyang ibinalik ang P6,000 na tulong pinansyal para wala nang problema.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Article 171 of the Revised Penal Code (falsification of documents by a public officer) at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.