Cauayan City, Isabela- Pansamantalang isinailalim sa lockdown ang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa ginawang disinfection sa lahat ng opisina ng Kapitolyo makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isang board member ng Lalawigan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, ipinasara muna nito ang Kapitolyo simula noong Biyernes, September 4, 2020 upang makapagsagawa ng general disinfection sa tulong ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), REDCROSS, at Provincial General Services Office (PGSO).
Ito ay upang mapigilan ang pagkalat ng virus at hindi mahawaan ang iba pang empleyado na nagtatrabaho sa Kapitolyo.
Magbibigay daan din aniya ito para sa contact tracing at swab testing ng mga naging close contact ng nagpositibo kasama na ang Gobernador matapos makasalamuha ng kanyang isang staff ang nasabing nagpositibong opisyal.
Ibinahagi naman ng Gobernador na negatibo sa COVID-19 ang naging resulta ng kanyang swabtest maging ang kanyang maybahay at mga kaanak ng board member.
Magtatagal aniya ang lockdown ng Kapitolyo hanggang Septyembre 11, 2020 habang ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan ay naka work-from-home maliban sa mga opisina na importante at mahahalagang transaksyon.