Cauayan City – Sumailalim sa pagsasanay sa pagsusulat ng balita at pagkuha ng larawan ang mga miyembro ng kapulisan mula sa iba’t-ibang lungsod at bayan sa lalawigan ng Isabela nito lamang araw ng sabado, ika-6 ng Hulyo sa Isabela Police Provincial office.
Ang aktibidad na ito ay isinagawa bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-29 na pagdiriwang ng Police Community Relations Month na mayroong temang “Ligtas ka sa Bagong Pilipinas!”.
38 City and Municipal Community Affair Development-Police Non-Commissioned Officers (CCAD/MCAD PNCO) ang nakibahagi sa talakayan patungkol sa news writing at basic photography.
Layunin ng aktibidad na ito na mas mahasa pa ang kahusayan ng Isabela Cops sa pagsusulat ng balita at pagkuha ng larawan para sa mas maayos at mas epektibong paglalabas ng press releases sa publiko.
Samantala, dumalo rin sina Deputy Provincial Director on Administration PLTCOL Emmanuel Viernes, at Deputy Provincial Director on Operation PLTCOL Sherwin Cuntapay upang personal na saksihan ang nabanggit na aktibidad.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad ay bunga ng inisyatibo at pagtutulungan ng IPPO, PIO at IPPO Press Corps.