Naka-full alert status na ang kapulisan sa Pangasinan upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at bisita ngayong holiday season.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, wala nang pinapayagang mag-leave sa hanay ng mga pulis sa lalawigan.
Sa isang panayam sinabi ni PCOL Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, doble ang ginagawang paghahanda ng kapulisan ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Bahagi ito ng ‘Oplan Ligtas Paskuhan’, isang estratehiya na naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ngayong panahon ng Pasko.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatupad ng 24/7 checkpoint operations sa mga border control points ng Pangasinan.
Pinag-iigting rin ng PNP ang pagbabantay laban sa mga krimeng tulad ng pagnanakaw, hold-up, at break-ins.
Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang publiko na maging maingat at mapagbantay, lalo na tuwing Kapaskuhan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨