Kinumpirma ng komedyante at creative director na si Michael V. nitong Lunes na positibo siya sa nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Positive [ako sa COVID-19], just as what we suspected early on,” pag-amin ni Bitoy sa kaniyang latest vlog.
Kuwento ng Kapuso star, nakaramdam siya ng ilang sintomas ng kinatatakutang virus gaya ng pagkawala ng pang-amoy.
“Alam kong hindi normal na nawala ‘yung pang-amoy ko and I was counting na may kinalaman talaga ‘yun sa COVID, pero I was also praying na sana wala. Sana allergy lang or something,” pagpapatuloy ng aktor.
Nag-iiba ang boses at palagi rin umuubo si Bitoy, o Beethoven del Valle Bunagan, habang nagshu-shoot ng vlog niya tungkol sa video gaming consoles, na inupload niya sa Youtube noong Hulyo 12.
Dahil dito, minabuti ng personalidad na magpa-swab test noong Hulyo 15.
“Siyempre nag-isolate na agad ako, nag-quarantine na kaagad ako. I took medicine, nagpa-check up ako sa doktor online.”
“I got better the following day, Monday. Hindi naman tumaas nang todo ‘yung temperature ko. i mean, the highest was 37.1 [°C] as of kanina. Pero merong flu-like symptoms talaga.”
Bagama’t kumpirmadong tinamaan siya ng virus, naniniwala si Bitoy na malalagpasan niya at kaniyang pamilya ang pagsubok na nararanasan ngayon.
“Nakakainis lang na ang lapit-lapit lang nila na sa kabilang kwarto lang and yet ‘di mo sila mahawakan. Hindi mo sila mahalikan. I feel bad but kaya. Hopefully, we’ll get through this and hopefully everything will be OK. We’ll see,” saad ng emosyonal na multi-awarded comedian.
Napapanood si Michael V. sa longest-running comedy sitcom ng GMA-7 na “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto.”
Pumalo na sa 67,456 ang dinapuan ng COVID-19 sa bansa, batay sa huling datos ng Department of Health (DOH) nitong Linggo. Sa nasabing bilang, 1,831 katao ang pumanaw habang 22,465 naman ang gumaling.