Pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makapagdagdag pa ng operational capacity ang mga establisyementong bukas sa ilalim ng Alert Level 4 pababa.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, base sa pinakahuling IATF resolution 161-A, pwedeng maitaas pa ng 20% ang operational capacity ng mga establisyemento basta’t naabot na ang 70% ng mga nakatatanda at mga immuno-compromised individuals sa mga lugar na ito ang fully vaccinated.
Maliban dito, bibigyan din ng karagdagan pang 10% capacity ang mga establisyementong mayroong safety seal certificates.
Nabatid na sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan ang 50% indoor capacity para sa mga fully vaccinated individuals at mga bata kahit hindi fully vaccinated at 70% capacity para sa outdoor venue.
Kapag nasa Alert Level 3 naman ay pinapayagang makapag-operate ng 30% indoor capacity para sa fully vaccinated individuals, at 50% outdoor venue capacity at lahat ng mga empleyado ay fully vaccinated dapat.
Habang sa mga nasa Alert Level 4, pinapayagan lamang na makapag-operate ang ilang business establishment ng 10% indoor capacity at 30% outdoor venue capacity.