Karagdagang 202 million vaccines doses, target ng pamahalaan – Galvez

Target na ng pamahalaan na makakuha ng 202 million COVID-19 vaccine doses, mula sa inisyal na 148 million.

Sabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., balak ng pamahalaan na bumili ng 158 million doses at tumanggap ng karagdagang 44 million doses mula sa COVAX Facility.

Aniya, tumataas na ang global vaccine production kaya nag-commit ang World Health Organization (WHO) na mabigay pa ng bakuna.


Bukod dito, ipinamimigay rin ng mga mayayamang bansa sa mundo ang sobra nilang supply.

Nagpapatuloy rin ang negosasyon ng pamahalaan sa iba pang manufacturers.

Pipirma muli ang Pilipinas at Pfizer-BioNTech para sa 40 million doses ng COVID-19 vaccine.

Inaasahan ding tataas ang imbentaryo ng bakuna ng bansa sa ikalawang kwarter lalo na at nasa 3.7 million doses na ang natanggap ng Pilipinas.

Nasa kabuoang 7.75 million doses pa ang inaasahang magiging total vaccine supply ngayong buwan dahil sa pagdating ng 2.2 million doses ng Pfizer vaccines mula sa COVAX.

Mayroon ding 500,000 Sinovac doses ang darating sa May 20 at 1.3 million Sputnik V doses.

Nasa 10.05 million vaccines ang darating sa Hunyo na kinabibilangan ng 2 million AstraZeneca vaccines para sa mga LGUs, 1.3 million AstraZeneca para sa pribadong sektor, 4.5 million Sinovac vaccines, at 2 million Sputnik V doses.

Sa Hunyo, inaasahang papalo na sa 21.8 million ang COVID-19 vaccine supply ng Pilipinas.

Facebook Comments