Karagdagang 4.5 million doses ng AstraZeneca vaccines, darating sa bansa sa Mayo

Kinumpirma ng World Health Organization (WHO) ang karagdagang 4.5 million doses ng AstraZeneca vaccines na darating sa bansa sa Mayo.

Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe ng WHO, ito ay bukod pa sa 487,200 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na darating sa bansa mamayang gabi mula sa COVAX Facility.

Mahigpit naman ang bilin ng WHO sa gobyerno ng Pilipinas na tiyaking masusunod ang prioritization sa pagbibigay ng bakuna.


Aniya, batay sa nilagdaang kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at COVAX ang mga bakuna ay dapat ibigay sa mga pinaka-high risk at vulnerable na populasyon kabilang na ang healthcare workers.

Tiniyak din ni Abeyasinghe na epektibo ang bakuna ng AstraZeneca kahit sa mga bansang may mga kaso ng South African variant.

Nagbabala naman si Abeyasinghe na sa sandaling makatanggap ng report ang WHO o COVAX hinggil sa mga paglabag sa nasabing criteria ay pag-aaralan ito ng COVAX at posibleng makaapekto sa vaccine rollout.

Nabuo aniya ang COVAX sa layuning matiyak ang patas na distribusyon ng bakuna sa lahat ng bansa.

Sinabi ni Abeyasinghe na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na alokasyon ng AstraZeneca vaccines na ipinagkaloob ng COVAX.

Kaugnay nito, sinabi ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na magpupulong ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) para pag-usapan ang magiging alokasyon ng mga darating na bakuna.

Facebook Comments