Karagdagang 600,000 na plastic cards, dumating na sa LTO

Tiniyak ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na makukumpleto na ang 3.2 milyong backlog sa plastic cards ng driver’s license sa loob ng 45-araw.

Sa isang press briefing, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, muli silang nakatanggap ng 600,000 pang piraso ng plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng mga lisensya sa pagmamaneho.

Aniya, ang paghahatid ng mga karagdagang plastic card ay makakatugon sa backlog sa mga plastic-printed driver’s license.


Una dito, ang unang isang milyong piraso ng plastic card ay naihatid noong Marso 25 matapos alisin ng Court of Appeals ang injunction order sa paghahatid ng natitirang hindi naihatid na plastic card mula sa Banner Plastic na binili noong nakaraang taon.

Isang araw matapos maihatid ang isang milyong piraso ng plastic card, agad na naglabas ang LTO ng schedule ng renewal ng expired na driver’s license upang tuluyang makuha ng mga motorista ang kanilang plastic-printed driver’s license.

Layunin ng renewal schedule na matiyak ang maayos na pagproseso at pamamahagi ng mga plastic-printed plastic card sa lahat ng tanggapan ng LTO sa buong bansa.

Facebook Comments