Kasabay ng pagbubuks ng klase ngayong araw at ng World Teacher’s Day ay iginiit ng mga Senador na mabigyan ng buong suporta at karagdagang benepisyo ang mga guro sa pampublikong paaralan.
Diin nina Senators Joel Villanueva at Leila De Lima, napakahalaga ng mga guro sa buhay ng bawat isa at napakalaki ng kanilang sakripisyo para magpatuloy ang edukasyon sa new normal na sitwasyon dulot ng pandemya.
Hirit naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan, itaas sa 5,000 pesos ang kasalukuyang P3,500 na chalk allowance ng mga guro kada taon at dapat libre rin ang kanilang face mask, face shield, at alcohol bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Giit naman ni Senator Risa Hontiveros, siguraduhin ang pondo para sa medical benefits sakaling magkasakit ang mga guro at dapat may dagdag na allowance rin sila para sa internet connectivity at printing ng education materials.
Umapela rin si Hontiveros at si Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian, na bigyan ang mga guro ng sariling computer na gagamitin sa distance education at kagamitan para sa printing ng mga module.
Ayon kay Gatchalian, sa ngayon ay maaaring gamitin ng DepEd ang 4-billion pesos alokasyon nito sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.