Karagdagang bus at modern jeepneys, nagsimula nang mamasada sa Metro Manila

Nagsimula nang bumagtas sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang mga karagdagang bus at modern jeepneys, tatlong linggo matapos itong isailalim sa General Community Quarantine (GCQ).

Limitado pa rin sa 50% capacity ang maaaring isakay para masunod ang social distancing.

Bagama’t marami nang mapagpipilian, mas gusto pa rin umano ng mga commuter na sumakay sa mga traditional jeepney o UV Express na maaaring direktang ibaba sila sa kanilang mga destinasyon.


Sa ngayon kasi, hindi pa pinapayagang makapamasada ang mga traditional jeepney at UV Express dahil hinahanapan pa sila ng ruta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Kaugnay nito, dismayado ang mga driver at operator ng mga tradisyunal na pampasaherong jeep matapos na hindi pa rin sila payagang makapamasada.

Ayon kay Liga ng Transportasyon at Operators (LTOP) National President Orlando Marquez, kung tutuusin ay marami sa mga ruta nila ang hindi naman naseserbisyuhan ng mga bumibiyaheng bus sa ilalim ng gcq.

Sa panayam naman ng RMN Manila, iginiit ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren De Luna, masyado kasing naka-concentrate ang pamahalaan sa isyu ng Jeeney Modernization Program.

Malinaw naman aniya sa pulong nila kasama ang DOTr at LTFRB na ang kapakanan muna ng mga pasahero ang kanilang uunahin bago ang isinusulong na modernisasyon sa mga PUV.

Facebook Comments