Bukas na ang apat na karagdagang ruta para sa city bus routes bilang bahagi ng 31 rationalized bus routes sa Metro Manila ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang mga bagong ruta ay ang route 3 na mula Monumento papuntang Valenzuela Gateway Complex (VGC) na may Number of Authorized Units (NAU) 54.
Nadagdagan din ang route 11 na may biyaheng mula Gilmore hanggang Taytay, Rizal at ito ay may bus na NAU 78.
Ang bus NAU 22 naman ay route 13 na galing Buendia papuntang BGC at ang route 21 na may bus NAU 105 ay mula naman sa Monumento hanggang San Jose Del Monte.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran, may naunang walong authorized buses na bumabiyahe na sa buong National Capital Region (NCR) upang magbigay ng transportasyon sa publiko habang umiiral ang General Community Quarantine (GCQ).
Ito ay dahil sa limitado pa rin ang pampublikong transportasyon na pinapayagang magbiyahe sa buong NCR ngayong GCQ.