Plano ni Dating Ilocos Sur Governor at Senatorial Candidate Luis “Manong Chavit” Singson na magdagdag pa ng mga economic zone sa bansa.
Ito’y sakaling maupo sa pagka-senador sa susunod na taon kung saan isa ito sa magiging prayoridad niya bukod sa electric jeepney at bank account ng bawat Pilipino.
Aniya, nagkaroon na rin siya ng proposal noon sa Ilocos Sur hinggil sa pagtatayo ng economic zone pero hindi siya nakatanggap ng suporta rito.
Giit ni Manong Chavit, nagdesisyon na lamang siya na magtayo ng economic zone sa Korea na hanggang ngayon ay patuloy sa operasyon.
Paliwanag pa ng dating gobernador, kung natuloy lang sana ang plano ay makakatulong ito sa ekonomiya at maraming kababayan natin ang magkakaroon ng trabaho.
Ang pahayag ni Manong Chavit ay kasunod ng pagharap nito sa ilang miyembro ng Central Luzon Media Association Pampanga para ibahagi ang mga plano sakaling maupo sa Senado.