Karagdagang EDCA sites, dapat isapubliko

Pinasasapubliko ni House Deputy Speaker at Batangas 6th District Rep. Ralph Recto ang dagdag na apat pang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA bases ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Nilinaw ni Recto na suportado niya ang prerogative ng administrasyon hinggil dito pero kanyang iginiit na dapat ipaalam sa mamamayan ang benepisyo at perwisyo na idudulot nito.

Humihingi rin si Recto ng paliwanag kung ano ang dahilan at kailangang dagdagan ang EDCA bases sa ating bansa.


Tanong pa ni Recto, ilang military bases pa ba ang sasaklawin ng EDCA sa darating na panahon.

Ayon kay Recto, dapat ay pinag-aralan munang mabuti ng ating Defense officials ang posibleng maging aksyon sa EDCA plus ng ibang mga bansa at kung paano tayo tutugon.

Ang EDCA ay nilagdaan sa pagitan ng Defense officials ng Pilipinas at Estados Unidos noong Abril 2014 para magkatulungan sa disaster humanitarian response at para din maprotektahan ang Pilipinas sa kapangahasan at pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.

Facebook Comments