Manila, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapataw ng karagdagang excise tax sa sigarilyo at alak.
Nangyari ang pag-apruba sa cabinet meeting sa Malacañang kagabi.
Sa ilalim ng house bill 8618, papatawan ng P30 specific tax ang kada litro ng mga alak gaya ng brandy, whisky at alcopops.
Habang sa house bill 8677, itataas sa P37.50 ang excise tax sa kada pack ng sigarilyo na dadagdagan ng P2.50 sa susunod na taon.
Sa Senado naman, iminungkahi ng mga Senador na itaas sa P60 hanggang P90 ang buwis sa kada pakete ng sigarilyo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – ang makokolektang dagdag-buwis mula sa alak at sigarilyo simula hulyo ngayong taon ay ilalaan para pondohan ang universal health care program ng gobyerno.
Ikinokonsidera rin itong public health measure ng pamahalaan na layong mabawasan ang mga nagkakasakit at namamatay dahil sa paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Kaugnay nito, pinamamadali na ni Pangulong Duterte ang pagpasa sa mga panukala hinggil dito para agad na malagdaan.