Humarap ang Sangguniang Panlungsod ng Dagupan sa isyu ng patuloy na pagbaha matapos ang pananalasa ng dalawang malalakas na bagyo kamakailan.
Tatlong resolusyon ang inaprubahan upang hilingin sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang karagdagang pondo para sa pagkumpleto at pagpapatayo ng flood control projects sa lungsod.
Ayon kay Konsehal Jose Netu Tamayo, may bahagi pa ng flood control structure sa Sinocalan-Pantal River na hindi natatapos, batay sa inspeksiyon ni Mayor Belen Fernandez.
Dahil dito, patuloy ang pagbaha sa ilang barangay. Idinagdag ni Konsehal Karlos Reyna na mas matibay ang sheet piling kumpara sa gabion-type structure na kasalukuyang ginagamit.
Sa inilatag na mga resolusyon, hiniling ang pondo para sa 200 lineal meters ng flood protection works sa Sinocalan-Pantal River sa tapat ng Lasip Grande Elementary School at Barangay Hall, upang maiwasan ang malalang pagbaha sa Lasip Grande, Malued, Lucao, at Lasip Chico.
Kasama rin ang pagpapagawa ng mga dike sa Patogcawen at Dawel rivers para protektahan ang Barangay Tambac at Pantal, kung saan matatagpuan ang dalawang unibersidad at iba pang paaralan.
Isa pang resolusyon ang humihiling ng pondo para sa flood control works sa Cayanga River, sa hangganan ng Dagupan at San Fabian, upang maprotektahan ang Sitio Russia sa Barangay Bonuan Binloc, kung saan naroon ang mga tanggapan ng gobyerno gaya ng National Integrated Fisheries Technology Development Center.
Binigyang-diin ni Tamayo na nananatiling bulnerable ang Dagupan sa pagbaha dahil ito ang catch basin ng tubig mula sa kabundukan ng Cordilleras bago ito bumuhos sa Lingayen Gulf.
Facebook Comments






