Kasabay ng panawagan sa gobyerno na siguraduhing sapat ang supply ng COVID-19 vaccine para sa lahat ay naglatag din si Senator Panfilo “Ping” Lacson ng mga mungkahi para mahikayat ang nakararami na magpabakuna.
Ayon kay Lacson, sa halip na pwersahin ang mamamayan na magpabakuna ay mainam na magpatupad ng polisiya na maghihikayat sa kanila.
Pangunahing tinukoy ni Lacson ang pagbibigay ng insentibo ng gobyerno at pribadong sektor para sa fully vaccinated na.
Inihalimbawa ni Lacson ang pagpapahintulot sa mga bakunado na mag dine-in, mamili at pumasok sa mga indoor establishment.
Ayon kay Lacson, ang ganitong polisiya na sinimulan nang ipatupad ng ilang pribadong establisyemento ay maaaring suportahan ng tamang information at education campaign para ipaalam sa mga tao ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
Diin pa ni Lacson, ang ganitong win-win approach ay makakatulong sa kalusugan ng publiko at sa ekonomiya, habang ginagalang ang karapatan ng indibidwal na tao sa kanilang katawan at ang karapatan ng iba na hindi mahawa.
Bukod dito ay binigyang diin ni Lacson na kailangang mas pagtuunan ng pansin ng otoridad ang pagbabahagi ng bakuna sa mga malalayong lugar dahil ang vaccination rollout sa mga probinsya ay umaabot sa 16 porsyento lamang.