Tiniyak ng Malacañang na patuloy na babantayan ng pamahalaan ang mga probinsyang nakapagtala ng surge ng COVID-19 cases.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakahanda ang contingency plans kabilang ang pagpapadala ng karagdagang testing kits, bakuna at health workers.
Gagamitin din ng pamahalaan ang “Cebu formula” kung saan karagdagang health workers ang ipapadala para mapalakas ang health workforce sa mga lugar na may mataas na kaso ng impeksyon.
Matatandaang iniakyat muli sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Iloilo City hanggang katapusan ng Mayo dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Bukod sa Iloilo, ang Apayao, Benguet, Cagayan, Santiago City sa Isabela, Quirino, Ifugao at Zamboanga City ay nasa ilalim din ng MECQ.