Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na magtayo pa ng karagdagang isolation facilities sa lungsod.
Ito’y sakaling mapuno na ang inilaan na 400 bed capacity ng kanilang isolation facility para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, kasalukuyang nasa 75 to 85 percent capacity ang mga bed capacity kaya’t nais nila na magtayo pa ng karagdagang isolation facility para may paglagyan ang mga pasyente.
Sinabi ni Olivarez na target ng lokal na pamahalaan na gawing mga isolation facilities ang apat na paaralan sa lungsod.
Sakaling matupad, magkakaroon ng karagdagang 50 kama para ma-accomodate ang mga COVID-19 patient.
Bukod dito, magdaragdag din ang lokal na pamahalaan ng healthcare workers na kanilang itatalaga sa itatayong mga bagong isolation facility.
Nabatid na ang mga nasabing paaralan ay dati na ring ginamit bilang mga isolation facility noong nakaraang taon kung saan kanila na itong isinara matapos na bahagyang bumaba ang kaso ng COVID-19 sa lungsod noong nakalipas na buwan.