Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng tatlong panibagong kaso ng COVID-19 variant of concerns ang probinsya ng Kalinga kahapon, July 21, 2021.
Sa inilabas na abiso ng Provincial Government, tinamaan ng B.1.1.7 variant o UK variant ang dalawa sa mga ito o kung tawagin ngayon ay Alpha variant habang isang kaso naman ng South African variant o beta variant.
Isa ang 67-anyos na lalaki mula sa Aciga, Pinukpuk at 75-anyos na lola naman mula sa Lower Taloctoc, Tanudan habang ang isa pang positibo sa beta variant ay isang 59-anyos na babae mula sa Anunang, Liwan West, Rizal.
Kabilang sa hakbang na ginagawa ngayon ng lokal na pamahalaan ang assessment na ginagawa sa pasyente, back tracing sa kanilang mga close contacts habang nakasailalim ang tatlo sa isolation at quarantine alinsunod sa health protocol.
Lumalabas sa datos ng probinsya, mayroong kabuuang 21 kaso ng Alpha variant at isang beta variant ang kanilang naitala.
Lalo namang maghihigpit ang probinsya sa lahat ng border control point upang maiwasan ang pagkalat ng naturang variant of concerns.
Pananatilihin pa rin ang triage sa mga entry points bilang bahagi ng pagpapatupad ng kanilang contingency plan para sa COVID-19 delta at delta+ variant.
Sa kabila nito, posible umanong magdagdag ng karagdagang units sa critical equipment at facilities kung kakailanganin.
Pinayuhan naman ang Municipal Health Office sa mga nabanggit na bayan para sa dapat gawin at maiwasan ang paglaganap ng bagong variants.
Samantala, natanggap na ng probinsya ang 15,000 doses ng Janssen vaccines (Johnson & Johnson) mula sa DOH Cordillera na ilalaan sa mga A2 at A3 priority groups.