Karagdagang naval assets, ipapadala ng AFP sa Julian Felipe Reef

Magpapadala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng karagdagang naval assets sa West Philippines Sea para dagdagan ang presensya ng militar sa lugar at maiwasan ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas.

Sa pagsalang ni AFP Chief of the Lieutentant General Cirilito Sobejana sa Commission on Appointments (CA), tinanong siya ni Senator Risa Hontiveros hinggil sa mga magiging aksyon ng sandatahang lakas hinggil sa presensya ng mga barko ng China sa nasabing bahura.

Tugon ni Sobejana na magpapadala ang Philippine Navy ng karagdagang assets sa West Philippines Sea para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar.


Tungkulin nila na protektahan ang marin resources at integridad ng teritoryo ng bansa.

Iginiit ng AFP na hindi nila pinapayagan ang mga ganitong panghihimasok sa territorial waters ng bansa.

Ang AFP ay nagsasagawa ng assessment hinggil sa “phalanx” formation ng mga barko ng China sa Julian Felipe reef.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na dapat tumayo ang Pilipinas at manindigan laban sa China dahil kung hindi ay patuloy silang papasok sa “bakuran” ng bansa.

Mandato ng AFP na protektahan ang teritoryo ng bansa sa pamamagitan ng mutual defense treaty – kung saan anumang pag-atake sa mga barko ng Pilipinas ay pag-atake na rin sa Estados Unidos.

Facebook Comments