Karagdagang pasilidad, sinisimulan ng itayo ng DPWH sa Lung Center of the Philippines

Sinisimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad sa Lung Center of the Philippines bilang paghahanda sa posibleng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ng mas nakakahawang Delta Variant.

Kaugnay nito, magdaragdag ng mga hospital bed ang DPWH sa itinatayong modular health facilities sa compound ng Lung Center kung saan dito mananatili ang mga COVID-19 patient na pawang mga severe at critical condition.

Sa ipinasang ulat ni Undersecretary Emil Sadain kay DPWH Secretary at Chief Isolation Czar Mark Villar, tatlong cluster units ng off-site hospital facility sa compound ng Lung Center ang malapit ng matapos sa darating na August 9, 2021.


Ayon pa kay Undersecretary Sadain na siyang namumuno ng DPWH Task Force to Facilitate Augmentation of Health Facilies, ang tatlong modular hospital units ay may 66 na hospital beds na maaaring pagdalhan ng mga pasyenteng tinamaan ng virus.

Aniya, malapit na rin matapos ang karagdagang dalawang cluster units na may 44 kwarto habang ang isang cluster unit naman ay gagawing intensive care unit (ICU) facility para sa mga pasyenteng mas nangangailangan ng atensyong medikal.

Sinisimulan din ang pagtatayo ng off-site dormitory na may 16 na kwarto na may kani-kaniyang comfort room, kusina, laundry area at double decker na higaan para sa 32 hospital workers ng Lung Center na siyang nag-aasikaso sa mga pasyenteng may COVID-19.

Facebook Comments