Karagdagang pondo para sa libreng sakay sa EDSA Bus Carousel hanggang Disyembre, ihihirit ng Department of Transportation kay PBBM

Hihirit ang Department of Transportation (DOTr) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nang karagdagang ₱1.4 bilyon para mapondohan ang pagpapalawig ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel hanggang Disyembre ngayong taon.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOTr Secretary Jaime “Jimmy” Bautista na may fixed budget ang EDSA Bus Carousel sa ilalim ng Service Contracting Program, pero hindi ito kasama sa kasalukuyang budget ngayon ng naturang ahensya.

Makikipag-ugnayan aniya sila sa Department of Budget and Management (DBM) para makakuha ng karagdagang pondo para sa nasabing programa.


Una na ring sinabi ng DOTr na pinag-aaralan nila kung mas makakatipid kapag ang pamahalaan na ang magpapatakbo nito sa halip na ikontrata sa mga bus company.

Matatandaang, may nauna nang direktiba si Pangulong Marcos Jr., na ituloy ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, habang may nakaambang ding libreng sakay para sa mga estudyante sa LRT-2 at MRT-3 pagsapit ng pasukan sa Agosto.

Facebook Comments