Karagdagang reklamo kaugnay sa Percy Lapid killing, inaasahang isasampa ng NBI at PNP sa Lunes; self-confessed gunman na si Joel Escorial at isa pang middleman na si Christopher Bacoto, hindi kwalipikado sa WPP!

Nakatakda sa Lunes, Nobyembre 7 ay isasampa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mas maraming kaso laban sa mga indibidwal na nasa likod ng pagpatay sa beteranong radio broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, sasampahan din ng mga karagdagang kaso ang mga suspek sa pagpatay sa sinasabing middleman na si Jun Villamor.

Dagdag pa ni Remulla, patuloy na nakikipag-ugnayan ang NBI at PNP sa mga kasong isasampa nila sa pagpaslang kay Lapid at Villamor.


Tiniyak naman ni Remulla na hindi na siya makikialam sa pagsasampa ng kaso.

Samantala, hindi naman kwalipikado sa Witness Protection Program (WPP) si self-confessed gunman na si Joel Escorial at isa pang middleman mula Palawan na si Christopher Bacoto.

Paliwanag ni DOJ Assistant Secretary Spokesperson Jose Dominic Clavano IV, may mga requirements kasi sa pagsasailalim sa WPP at isa rito ay kailangang hindi gumawa ng krimen.

Facebook Comments