May pangangailan ng tent, folding bed at iba pang kagamitan ang mga naapektuhan ng magnitude 6 na lindol sa Masbate kaninang alas-2:00 ng madaling araw.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Diego Agustin Mariano, head ng Information Center ng Office of the Civil Defense (OCD) na agad nagpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan pero kailangan pa ring dagdagan ang mga kailangang gamit ng mga apektadong pamilya.
Lalo na ayon kay Mariano ang pangangailangan ng mga pasyenteng inilabas sa Masbate Provincial Hospital na ngayon ay pansamantalang nanatili muna sa mga tent.
Maliban sa tent at folding bed ay mas mabuting madagdagan na rin ang suplay ng kumot habang nananatiling nasa labas ng ospital ang mga ine-evacuate na pasyente.
Sa kasalukuyan ay wala namang casualties na naitatala habang wala rin namang major damages sa mga imprastraktura maliban na lamang sa isang gusali sa Magallanes.