
Naghahatid ng karagdagang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ang mga family food pack ay inihatid sa mga residente ng Sitio Guintubdan, Barangay Ara-al, La Carlota City.
Nakatanggap kahapon ng food packs ang 34 pamilya o 115 indibidwal na kasalukuyang nanunuluyan sa South 1 Elementary School Evacuation Center.
Tiniyak ng DSWD na nasa ligtas at maayos na kalagayan ang bawat indibidwal na apektado ng aktibidad ng bulkan.
Una nang siniguro ng DSWD Field Office – Negros Island Region na sapat ang kanilang resources para sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.
Sa ngayon, may kabuuang 223,608 family food packs ang naka-preposition sa lalawigan ng Negros, maliban pa sa 10,549 ready-to-eat food boxes, 16,264 non-food items, at 1,225 iba pang relief supplies na handang ipamahagi.










