Nanawagan ang mga opisyal ng ika-anim na distrito ng Pangasinan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magbigay ng karagdagang tulong upang mapabilis ang rehabilitasyon ng Malico Road o Pangasinan–Nueva Vizcaya Road.
Sa isinagawang inspeksyon noong Enero 3, sinabi ng mga opisyal na bagama’t tuloy-tuloy ang konstruksiyon, kinakailangan pa ng mas pinaigting na suporta upang mapabilis ang pagkukumpuni ng kalsada.
Itinuturing ang Malico Road bilang mahalagang pangunahing daan na nag-uugnay sa Region 1, Region 2, at Cordillera Administrative Region (CAR), kaya’t malaki ang epekto nito sa daloy ng biyahe ng mga motorista at biyahero.
Bukod sa rehabilitasyon, hiniling din ang agarang paglalagay ng safety at hazard signs, reflectors, at iba pang babala bilang paunang hakbang para sa kaligtasan ng mga dumaraan sa lugar.
Tiniyak naman ng mga opisyal ang patuloy na pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya hanggang sa tuluyang maayos ang Malico Road.










