KARAGDAGANG UNITS NG TAXI, INILUNSAD SA SIYUDAD NG ILAGAN

Cauayan City, Isabela- Muling naglunsad ng sampung (10) karagdagang unit ng Taxi ang City Government ng Ilagan sa pangunguna ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Region 2 katuwang ang Ilagan Public Utility Transport Cooperative (IPUTC).

Sa ating panayam kay Regional Director Edward Cabase, nasa kabuuang 21 units na ng Taxi ang nailunsad sa Siyudad ng Ilagan at mayroon pang siyam (9) na natitirang units na kailangang mailunsad para mabuo ang 30 slots na ibinigay sa Siyudad.

Mamamasada ang mga bagong unit ng Taxi na may apat (4) na seating capacity mula sa Lungsod ng Ilagan hanggang sa anumang panig sa region 2.

Ibabase naman sa lalabas na metro ng taxi ang sisingiling pasahe.

Mahigpit namang ipinagbabawal sa mga taxi drivers ang pakikipag ‘bargain’ sa mga pasahero o paniningil ng hindi nakabase sa metro.

Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Cabase ang pagkakaroon muli ng karagdagang unit ng transportasyon sa Lungsod ng Ilagan dahil bukod sa mas convenient ay magkakaroon pa ng ‘option’ ang mga commuter.

Samantala, nagkaroon din ng forum sa iba’t-ibang transport at bank cooperatives na dumalo sa aktibidad para mailatag ng mga ito ang kani-kanilang programa’t hinaing at kung paano makakatulong ang mga bangko sa mga transport group para sa muling paglulunsad ng mga bagong units.

Facebook Comments