Pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makabiyahe ang karagdagang 1,043 Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) units sa Kalakhang Maynila simula sa Miyerkules, ika-18 ng Nobyembre.
Ito’y matapos na magpalabas ang LTFRB ng Memorandum Circular na nagbubukas ng dagdag na 8 ruta.
Maaaring bumiyahe ang mga roadworthy Public Utility Vehicles (PUVs) na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity.
Kinakailangang naka-rehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC.
Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV.
Muling pinapaalala ng ahensya na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga naturang TPUJ, maliban na lang kung ipaguutos ito ng LTFRB.
Istrikto ring ipatutupad ang “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon kaugnay ng mga health protocols.