Binigyang-diin ni Senator Grace Poe na ang hindi maibsang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino sa gitna ng patuloy na quarantine ay hindi dapat tugunan ng kalupitan at karahasan ng mga hindi karapat-dapat na taga-implementa ng batas.
Pahayag ito ni Poe sa gitna ng panawagang hustisya ng pamilya at mga mahal sa buhay ng isang curfew violator na nasawi matapos umanong gulpihin hanggang sa mamatay ng mga barangay tanod sa Laguna.
Tinukoy rin ni Poe ang naiulat na isang curfew violator naman sa Cavite ang namatay matapos sumailalim sa pumping exercise nang 300 beses.
Hindi maisip ni Poe kung paano naaatim na pahirapan hanggang sa mamamatay ang mga indibidwal na labis nang nagdurusa dahil sa gutom, kahirapan at kawalan ng pag-asa dahil sa pandemya.
Giit ni Poe, sa ilalim ng ‘principle of command responsibility’ ay dapat managot ang immediate superior ng mga barangay tanod na siyang nasa likod ng pagpapahirap na ikinasawi ng nabanggit na mga curfew violator.